Naghain na ng not guilty plea sina dating Quezon City Mayor Herbert Bautista at dating City Administrator Aldrin Cuña kaugnay sa kinakaharap nilang graft case sa Sandiganbayan 7th Division sa kanilang pagdalo sa arraignment kasama ang kanilang mga abogado.
Sa pagdinig, hiniling ng kampo ni Cuña na i-reset muli ang pagbasa ng sakdal dahil naghain sila kahapon ng motion to quash o hiling na nagpapabasura sa kaso pero kinontra umano ito ng prosekusyon dahil giit nila, hindi sila nabigyan ng kopya ng mosyon ni Cuna.
Saad ng abogado ni Cuña na si Atty. Enrico Mira Jr., nitong Miyerkules lang nila ipinadala ang kopya via courier service at hindi rin sila nagpadala via email at giit naman ni Prosecutor Joshua Tan, hindi pwedeng pag usapan ang mosyon dahil hindi nila alam ito.
Tumutol din sila sa resetting ng arraignment.
Sabi ni Associate Justice Theresa Dolores Gomez-Estoesta, hindi maaaring basta na lamang hilingin ang resetting ng arraignment dahil dapat mayroong “justifiable reasons” at hindi maikokonsidera ang mosyon ni Cuña bilang sapat na katwiran para hindi matuloy ang pagbasa ng sakdal.
Nagdesisyon ang mga mahistrado na hindi pagbigyan ang mosyon. Ibinasura ito kaya itinuloy ang arraignment.
Nahaharap sina Bautista at Cuña sa kasong katiwalian na nag-ugat sa paglabas ng pondong nagkakahalaga ng P32.107 million sa isang IT firm para sa procurement ng online occupation permitting at tracking system. noong nakaupo pa sila sa pwesto.
Inaprubahan daw ni Bautista ang full payment sa proyekto kahit walang ordinansa ang Sangguniang Panglungsod na naglalaan ng pondo para sa proyekto.
Nagsagawa rin ng initial pre-trial conference kanina at ayon sa prosecution, nasa 31 main witnesses ang nakatakda nilang ipresenta sa pagdinig. Itutuloy ang pre-trial conference sa Hunyo 14.
Ayon kay Bautista, politically motivated ang kanyang kaso at aminado rin siya na nabigla sa kasong isinampa sa kanya.
“Syempre nakakagulat. Nag-(devote) ka ng serbisyo mo sa mga mamamayan ng Quezon City for 34 years. And then because of politics ay meron tayong ganito,” saad ni Bautista.