Iniulat ng mga otoridad na isang lalaki ang nasawi matapos umanong saksakin ng kasalukuyang live-in partner ng kanyang ex-girlfriend at ang dahilan, nakipag-inuman umano ang lalako sa kanyang ex.
Ayon sa ulat, naiwan pa umano ang talim ng panaksak sa loob ng tiyan ng biktimang kinalalang si John Patrick Beño, isang engineer na namatay agad maghahatinggabi noong Huwebes.
Sinabi ng Las Piñas City Police na nangyari ang insidente sa condo unit ng babae na isa ring engineer.
Habang nag-iinuman ang biktima at ang kaniyang ex, dumating ang suspek, at ikinagalit nito na magkasama sila.
Pagkasaksak, ang suspek pa ang nagdala sa biktima sa ospital. Iniulat ng ospital na naroon ang suspek, kaya siya dinakip ng pulisya habang naghihintay sa emergency room.
Giit ng suspek, aksidente ang nangyari at hindi niya sinasadya.
Nakabilanggo na ang suspek na nahaharap sa kasong murder.
Samantala, inaresto naman ng mga otoridad ang isang umano’y notoryus na snatcher sa Barangay South Triangle, Quezon City.
Lumitaw sa imbestigasyon na rehistradong rider ng isang delivery app ang naturang 40-anyos na lalaki. Hindi umano aakalain na magnanakaw ito dahil may box ng delivery app ang motorsiklong ginagamit sa krimen.
Pero nabisto ang modus ng suspek makaraang hablutin umano ang cellphone ng isang babae na naglalakad sa Samar Avenue.
Agad nakahingi ng tulong ang biktima sa mga nagpapatrol na pulis. Makalipas ang ilang minuto, naaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police Station 10 ang delivery rider.
Nabawi sa suspek ang ninakaw na cellphone.
Nakumpiska rin umano sa lalaki ang isang baril na may kargadong mga bala at isang hand grenade. Ayon sa pulisya, posibleng nagagamit ang mga ito sa krimen.
Paliwanag naman ng suspek, mahigit dalawang taon na siyang nagtatrabaho bilang delivery rider.