Isang babaeng overseas Filipino worker ang nag-viral ngayon sa social media makaraang ireklamo niya ang umano’y pamimilit sa kanyang bayaran ang libo-libong overbaggage fee sa account number ng check-in counter agent na isinulat lamang sa isang tissue.
Ayon sa OFW na kinilalang si MaryClair Reyes, pabalik na siya sa Thailand kung saan siya nagtatrabaho bilang isang teacher nang sabihan umano siya ng isang counter agent sa NAIA Terminal 2 na suspendido ang kanyang flight ng 2 p.m. pero nailipat umano siya sa mas maagang flight na 11:30 a.m. ang alis.
Kuwento niya, tinimbang na ang ilang bagahe niya para i-check in nang malaman niya na lumampas na sa timbang ang kanyang dala-dala at una siyang sinisingil ng counter agent ng P1,000 dahil sa overbaggage. Hindi pa kasama dito ang ilan pang bagahe ni Reyes na hindi pa tinitimbang.
Nagpaalam si Reyes na ibabalik ang ilang mga bagahe na hindi pa tinitimbang, pero sinabihan siya ng tiyahin na dalhin na niya lahat sa Thailand dahil walang ibang magbibitbit.
Dahil dito, bumalik si Reyes sa check-in counter at sinabing dadalhin na niya lahat ng bagahe kasama ang backpack at hand carry luggage. Matapos timbangin, binulungan umano siya ng counter agent kung willing siyang magbayad sabay pakita ng halagang P11,000 sa cellphone.
“Noong time na iyon, hindi na ako nag-compute kasi sabi niya noong una suspended po yung flight ko ng 2 p.m. so ang ginawa nila ay inilipat nila ako sa 11:30 a.m. Past 9 a.m. noong nag-check in ako. Parang inilagay nila ako sa sitwasyon na gipitan, na no choice na kundi magbayad ako ng ganoong halaga. Tapos pinagmamadali niya ako, ‘Ma’am, bilisan niyo kasi malapit na ang boarding niyo.’ Ginaganoon ako nung staff,’” kuwento ni Reyes.
“Noong pinakita niya sa akin yung P11,000, sabi ko hindi ko kaya yan, 5K lang ang kaya ko. Nung sabi ko 5K lang ang kaya ko, yang tissue na yan kasama nang boarding pass ko [inabot] tapos sinabihan ako: ‘Ma’am, dito na lang sa account ko. Dito niyo na lang ilagay sa account ko,’” dagdag pa niya.
Ayon kay Reyes, tinanong niya ang counter agent kung magkano ang babayaran niya at ang sagot sa kanya ay: “Ma’am, bahala na po kayo.” Dito na kinutuban si Reyes na scam ang ginagawa ng agent.
Dagdag niya, sinabihan pa siya ng counter agent na may makukuha siya na refund. Aniya, itinuro siya sa isang lugar malapit sa ATM para makakuha siya ng refund na P550 para sa terminal fee.
Imbes na pumunta sa orientation, dumiretso na siya sa boarding. Sa sumunod na gate, sinabihan ulit siya ng gwardiya na may makukuha na refund ang OFW.
Nilapitan umano ulit si Reyes ng counter agent tungkol sa refund at sinabihan siya na ilagay ang pangalan na “May” sa babayaran na overbaggage pero hindi na niya ito pinansin dahil nagmamadali na siyang makasakay sa eroplano.
“Ang naiisip ko malayo ang tatakbuhin ko, male-late na ako,” saad ni Reyes. Wala na rin siyang intensyon na magbayad ng overbaggage dahil nagtataka siya bakit nakasulat lang sa tissue ang account number ng counter agent.
Duda rin siyang na-suspend ang kanyang 2 p.m. flight dahil parati silang inaabisuhan ng ahensya niya sa Thailand kung may delay, suspension o anumang aberya ang kanilang flight.
Pagdating niya sa Thailand, napatunayan niyang walang suspension ng flight dahil walang natanggap na anumang e-mail ang kanyang ahensya.
“Balak talaga nilang manloko,” akusasyon niya.
Naglabas naman ng pahayag ang Philippine Airlines na nangakong sisiyasatin ang insidente.
“Philippine Airlines is investigating the incident and will take appropriate action in line with due process,” saad ni PAL Spokesperson Cielo Villaluna. “For now, the concerned check in agent has been placed on preventive suspension, and we are working with Macro Asia (the agent’s employer and our service provider at NAIA Terminal 2) to enforce PAL’s strict policies against any form of fraud or irregularities, and to prevent any recurrence.”