Ngayong uso na ang mga electric vehicles, nauuso na rin ang mga kawatan ng mga electric bikes na nakaparada lamang sa labas ng mga kabahayan.
Sa isang ulat nga, nakita sa CCTV ang ginawang pagtangay ng dalawang kawatan sa isang e-bike na nakaparada sa labas ng bahay sa Malate, Manila.
“Tiyak may nakakakilala riyan. Kung sino man ang nakakakilala, bigay niyo sa pulis para matigil na ‘to,” saad ni Barangay 719, Zone 78 chairman Jaime Adriano.
“Yung ating backtracking, ‘yung ating follow up, hindi tayo titigil hanggat hindi nahuhuli ang mga gumawa ng krimen,” saad naman ni Manila Police District spokesperson Police Major Philip Ines.
Ayon sa MPD, hindi ito ang unang beses na may matangayan ng e-bike sa lungsod.
“Dinidistrungka lang ang susian, nagawa nila matangay ang mga ebike na ito. Mas matipid ito, nakita natin very convenient na gamitin, icha-charge lang siya,” dagdag ni Ines.
Sa ngayon, pinaiimbestigahan na raw ng barangay sa pulisya ang natanggap nilang impormasyon kung saan ibinabagsak ang mga ninanakaw na e-bike.
“Lagyan po natin ng double lock kung walang sariling paradahan, ilagay natin sa well lighted na area,” paalala ni Ines sa mga may-ari ng e-bike.
Talagang hindi maiiwasan na maglipana pa rin ang mga masasamang loob at kahit mga e-bikes ay hindi na pinapatawad.
Sana lamang ay mas mapalakas pa ang police visibility sa ilang mga lugar na talamak ang nakawan upang talagang masugpo na ang ganitong gawain.
Dapat ring mag-ingat ng publiko dahil anumang oras o panahon ay maaaring sumalakay ang mga masasamang loob.