Nababahala ngayon ang ilang mga sektor dahil sa nakikita umanong “teacher shortage” sa bansa kung saan sinabi ng isang grupo na nasa 145,000 na mga panibagong guro ang kinakailangan sa Pilipinas, ayon sa isang grupo.
Ayon kay Alliance of Concerned Teachers chairperson Vladimer Quetua, dapat matugunan ang “teacher shortage” sa Pilipinas para mapaganda ang sistema ng edukasyon ng bansa at posible umano ang panukalang mag-hire ng 30,000 na guro kada taon sa Pilipinas. Kasama na aniya dito ang pag-construct ng 50,000 na classrooms sa bansa.
Napakaliit umano ng nilalaan ng gobyerno sa kabuuan na pondo ng Department of Education, na kamakailan ay umamin na kulang nga sa guro at silid-aralan ang bansa.
Giit ni Quetua, ang kanilang panawagan na mag-hire pa ng mga guro ang DepEd ay may batayan at bukas sila sa pakikipagdiyalogo sa naturang ahensiya.
Dagdag pa niya, hindi naging matagumpay ang blended learning na itinulak ng dating administrasyon.
Ayon naman kay Dr. Maria Mercedes Arzadon, faculty member ng UP College of Education, realistic ang panukala na mag-hire ng 30,000 guro kada taon dahil noong panahon ng Duterte administration ay 25,000 kada taon ang naha-hire na mga guro.
Giit ni Arzadon, overworked na ang mga guro, at para ma-address ang quality ng edukasyon sa Pilipinas ay dapat dagdagan pa ang mga guro sa bansa.
Tumataas umano ang demand ng teachers at maraming mga guro ang umaalis ng bansa, kaya dapat bigyan ng incentives ang mga guro na naha-hire.
Ayon naman kay DepEd spokesperson Michael Poa, “perennial problem” na ang kakulangan ng guro at silid-aralan. Kada taon umano dumarami ang enrollees.
Nakatutulong sa mga estudyante aniya ang blended learning, at tinitingnan ng DepEd ang resources na online at offline, at ibang option na hindi lamang tradisyonal.
Sana lamang talaga ay matugunan ng pamahalaan ang problemang ito, dahil hindi biro ang papel ng mga guro sa paghubog ng mga susunod na lider ng bansa.