Kamakailan ay naiulat ang karumal-dumal na pagpatay sa apat na batang magkakapatid sa kamay ng kanilang amain sa Trece Martires, Cavite at matinding selos umano ang naging dahilan kaya nagawa ng suspek na patayin ang mga bata bago tuluyang nagpatiwakal.
Ang ina ng mga bata – na kinilalang si Virgina dela Peña – ay nakabalik na sa Pilipinas at wala na siyang nagawa kundi ang lumuha habang nilalapitan ang kabaong ng mga anak na edad anim, walo, 10 at 14, na nakaburol sa Maysan, Batangas.
Labis ang kaniyang pagsisisi na ipinagkatiwala niya sa kaniyang live-in partner ang kaniyang mga anak nang magtrabaho siya sa Saudi Arabia.
“Wala na ang apat kong anak. Sana gabayan nila kami lalo na ako. Mahal na mahal ko sila. Masakit sa kalooban ko na tanggapin na wala na sila,” saad ni Dela Peña.
Tulala naman daw ang ama ng tatlo sa mga bata dahil sa sinapit ng mga anak na pinagsasaksak ng amain sa kanilang bahay sa Cavite noong Huwebes.
Nauna nang sinabi ni dela Peña na nagkausap pa sila ng suspek sa cellphone bago nito ginawa ang krimen.
Narinig umano niya ang pagmamakaaawa ng kaniyang mga anak.
Tiniyak naman ng Overseas Worker Welfare Administration na hindi mahihirapan si dela Peña kapag bumalik siya sa Saudi.
Magbibigay din umano ng tulong pinansiyal ang OWWA sa pamilya.
Sana lamang ay madamayan ang kawawang inang ito ng ating pamahalaan, dahil hindi birong hirap at sakit ang kanyang pinagdaraanan ngayon dahil sa pagkawala ng mga pinakamamahal niyang mga anak sa isang walang katuturang dahilan.