Matapos ang paglubog ng MT Princess Empress, na may lulang 800,000 litro ng industrial fuel oil sa karagatan ng Oriental Mindoro, naghahanda na ngayon ang mga barangay sa bayan ng Agutaya, Palawan sakaling umabot doon ang oil spill.
Sinabi ni Agutaya Vice Mayor Nonoy Ilustrisimo na nag-inspeksyon ang kanilang team kasama ang Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, at Department of Environment and Natural Resources sa barangay Concepcion at Algeciras matapos lumabas sa social media na may nakitang oil spill sa mga nasabing lugar.
Ayon sa vice mayor, wala silang nakitang oil spill sa mga nasabing lugar, bagamat nakakolekta ang PCG ng ilang litrong tila buo-buong alkitran.
“Tinatanong una namin yung Barangay Concepcion, mineeting namin yung mga opisyales doon…nung pinuntahan po ng team yung sinasabi niyang langis, eh wala po kaming nakikita doon,” saad ni Ilustrisimo sa isang panayam.
“Nag-iimbestiga po kami sa mga planters. Lahat ng mga planters doon po namin, tinatanong namin. Yung March 5 po ng Linggo, sabi nila, merong dumadaan na – parang ano lang, hindi siya langis, parang spotted lang na buo-buo na konti na parang alkitran,” dagdag niya.
Ayon sa bise-alkalde, tuloy-tuloy pa rin ang paghahanda ng mga local na opisyal sakaling abutin sila ng oil spill.
“Gumagawa sila ng panangga, yung mga damit na nilalagay sa tali, hinaharang na po nila yun,” saad ni Ilustrisimo.
Pangingisda at seaweeds ang pangunahing ikinabubuhay ng mga taga-Agutaya, kaya naman kung sakaling umabot doon ang oil spill ay malaking pinsala ang idudulot nito sa kapaligiran at maging sa kanilang mga kabuhayan.