Sa kanyang pagtungo sa Germany, iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang commitment na palalawigin niya ang proteksyon para sa mga overseas Filipino workers at mapangalagaan ang kanilang kapakanan at mapaunlad pang lalo ang kanilang kakayanan.
Ayon sa Pangulo, pagtitibayin niya sa mga Pilipinong nasa Berlin at Prague ang target ng pamahalaan na mapalalim ang bilateral relations at mapalawak pa ang kooperasyon ng Pilipinas sa dalawang bansa.
Dagdag niya, mahalagang mapaunlad ang labor cooperation sa dalawang bansa sa Central Europe sa gitna ng prayoridad ng kanyang pamahalaan na matiyak ang karapatan at kapakanan ng mga OFW doon.
Makikipagkita din ang Pangulo Kay Federal Chancellor Olaf Scholz sa Berlin kung saan ay ilang kasunduan — kasama na ang Joint Declaration of Intent on Strengthening Maritime Cooperation — ang lalagdaan.
Sentro din ng biyahe ng Pangulo ang mapalawak ang economic cooperation sa dalawang Bansa na inaasahang magbubukas ng Marami pang avenue ukol sa mutually beneficial trade and investment opportunities.
Sa kabilang dako, inihayag ni Marcos na mayruon pang mga kasunduan ang nasa pipeline na tinatrabaho ng Pilipinas at Czech Republic.
Umaasa ang Pangulo na magiging mabunga ang kaniyang biyahe sa Germany at Czech Republic.
Samantala, itinalagang caretaker ng bansa ni Marcos si Vice President Sara Duterte habang nasa abroad ito, ayon kay Presidential Communications Secretary Cheloy Garafil.
Limang araw ang biyahe ni Ferdinand Marcos Jr sa Germany at Czech Republic simula nitong Lunes hanggang Biyernes.
Sinabi rin ni Garafil na kabila ng ilang isyu sa pagitan nina Marcos at ng pamilya ni VP Sara, hindi kailanman nawala ang kumpiyansa ang Pangulo na ipagkatiwala sa bise presidente ang pangangalaga sa bansa sa mga panahong wala siya para sa pagpapalakas ng bilateral relations sa pagitan ng mga kapwa lider sa mundo.
Tiniyak naman ni Marcos na handa ang Pilipinas na makagawa ng isang “matatag na talent pool” ng mga propesyonal sa semiconductor sa 2028 sa suporta ng US sa ilalim ng CHIPS Act nito.
Binanggit ng Punong Ehekutibo na ang Pilipinas ay inaasahang gagawa ng humigit-kumulang nasa 128,000 semiconductor engineers at technician na tutugon sa pangangailangan ng teknolohiya sa mga darating na taon.