Iniutos na ng hepe ng Land Transportation Office nitong Linggo ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa napaulat na road rage incident sa Subic Special Economic and Freeport Zone sa Zambales.
Kumakalat online ang isang video kung saan makikita ang isang Toyota Fortuner na bumangga sa isang kotse na minamaneho ng isang matandang lalaki.
Bigla namang umalis ang driver ng Toyota Fortuner pagkatapos, ayon sa LTO, na binanggit pa na hindi agad malinaw kung ano ang nangyari.
Ayon kay LTO chief Vigor Mendoza III, inatasan na niya ang regional LTO director for Central Luzon na mag-isyu ng Show-Cause Order sa Fortuner driver.
Ayon kay Mendoza, malinaw sa video na hindi katanggap-tanggap ang inasal ng driver kung saan matapos umano banggain ay tinakbuhan pa ang kanyang responsibilidad.
Nagpasalamat si Mendoza sa nag-upload ng video at sa mga testigo na nagbigay ng conduction sticker number ng Toyota Fortuner.
Pagtiyak ni Mendoza, agad na kikilos ang ahensya laban sa rehistradong may-ari at driver ng sasakyan.