Iniulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources nitong nakaraan na napinsala nang husto ang mga bahura sa Bajo de Masinloc at posible umano sa cyanide fishing ng mga mangingisdang Chinese at Vietnamese.
Sinabi ng BFAR na iniulat ng mga mangingisdang Pilipino sa ahensya na sadyang sinira ng China ang Bajo de Masinloc para pigilan ang mga Pilipino sa pangingisda sa shoal.
Ayon kay BFAR spokesperson Nazario Briguera, malinaw na ito ay paglabag at malinaw na kaso ng illegal fishing at ang ang paggamit ng cyanide ay isang posibleng dahilan kung bakit maliit ang isda sa Bajo de Masinloc.
Dagdag ni Briguera, ang paggamit ng cyanide ay nakaka-kompromiso sa integridad ng dagat, hindi lamang ng Pilipinas kundi pati na rin ng ibang mga bansa.
Giit pa ng tagapagsalita, umabot na sa “bilyong piso” ang pinsalang dulot ng China sa mga corals.
Sinabi ng BFAR at Philippine Coast Guard na ipinauubaya na nila sa Department of Justice ang desisyon kung magsasampa ng reklamo laban sa China.