Inihayag ng provincial government ng Davao de Oro na pumalo na sa 98 ang naitatalang namatay sa nangyaring landslide sa bayan ng Maco nitong nakaraang linggo habang siyam pa rin ang naitalang nawawala.
Ayon kay Lea Añora ng management of the dead and missing unit ng municipal government, nasa 88 bangkay at 10 bahagi ng katawan ang narekober simula ng tanghali kahapon.
Dagdag pa niya, 79 na bangkay ang natukoy at may idinagdag na 65 na death certificates ang naisyuhan habang siyam ang nananatiling nawawala, kabilang ang mga manggagawa na ihahatid sana pauwi nang mangyari ang landslide.
Kung matatandaan, dalawang bus, ilang bahay at isang barangay hall ang natabunan sa landslide sa Barangay Masara noong Pebrero 6.
Sinabi naman ng Maco municipal disaster risk reduction and management council na 1,503 pamilya ang naapektuhan ng landslide.
Ayon naman sa Davao de Oro provincial veterinary office, nasagip nito ang 23 aso at 27 pusa na iniwan ng mga apektadong residente nang sila ay inilikas.
Ang mga nasagip na hayop ay inilagay sa isang impound area sa bayan ng Mawab habang nasa P1 bilyon na ang napinsala sa agrikultura.
Sa ibang balita, nasa kabuuang 16,261 indibidwal ang nananatili pa rin sa 73 evacuation centers sa Davao at Caraga Regions kasunod ng pagbaha at pagguho ng lupa sa Mindanao, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Iniulat din ng NDRRMC na 273,543 katao, o 91,843 pamilya, ang humingi ng pansamantalang tirahan sa labas ng mga evacuation center at apektado ng baha at pagguho ng lupa ang 1.5 milyong katao sa 881 barangay sa Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, at BARMM.
Nagtala naman ang Department of Agriculture ng P558.3 milyon na pinsala, na nakaapekto sa 19,071 magsasaka at mangingisda habang sinabi ng National Irrigation Administration na may naitalang P454.6 milyon halaga ng pinsala sa Davao Region lamang.
Umabot din sa P827.1 milyon ang pinsala sa imprastraktura.
Kasabay nito, mayroong 1,762 bahay ang nasira dahil sa mga sakuna – 1,011 bahay ang partially damaged at 751 ang totally damaged.