Inihayag ng pamahalaan ng Canada na ang mga Pilipino na umano ang pangatlo sa may pinakamalaking bilang ng international student population sa Canada noong 2023.
Ayon sa educational technology platform na ApplyBoard, ipinakita ng datos mula sa Immigration, Refugees and Citizenship Canada na dumoble, o tumaas ng 50 porsiyento ng bilang ng mga Pinoy international students sa nasabing bansa.
Nitong 2023, nasa isang milyong international students ang nabigyan ng student visas, na mas mataas ng 29.4 percent noong 2022 at sa nasabing bilang, 48,870 ang Pilipino, na mas mataas sa 24,000 na naitala noong 2022, o 51 percent na pagdami.
“Strong growth in Alberta and Saskatchewan made the Prairies provinces the fastest-growing destinations for Filipino students in Canada over the past year,” ayon sa ApplyBoard.
Nangunguna naman sa listahan ng mga international student sa Canada ang mga mamamayan ng India (427, 085), kasunod ang China (102,150). Pang-apat naman sa listahan ang Nigeria (45,965) at pang-lima ang France (26,980).
Ayon pa sa ApplyBoard, dumami ang mga Pinoy na nag-aaral sa Canada magmula noong 2021, matapos na lumobo rin ang mga naaprubahang study permits.
“In 2022, the average age of Filipino students applying to study in Canada through the ApplyBoard platform was 31,” ayon sa 2022 report nito.
“With more mature Filipino students coming to study in Canada, there has been a noticeable rise in Filipino students bringing their children to Canada, resulting in an increase in primary and secondary enrollment numbers,” dagdag pa ng kompanya.
Gayunman, sinabi ni ApplyBoard na inaasahang magbabago ang bilang ng mga international student sa Canada sa 2024 dahil sa ipatutupad na “cap” o limit sa aplikasyon sa susunod na dalawang taon.
Magkakaroon umano ng alokasyon ng study permits sa bawat probinsya, “and applying to diverse locations within Canada will be more important than ever before.”