Nakakagulat ang pamamaril ng isang babaeng doktor sa Maguindanao del Sur noong Pebrero 3. Bihira na maging target ng mananambang ang manggagamot.
Nakakagulat rin na bata pa ang biktima na si Dr. Sharmaine Barroquillo. Siya ay 28 anyos lamang.
Pinagbabaril ang doktora habang nagmamaneho siya ng kanyang sasakyan sa highway na bahagi ng Barangay Digal sa bayan ng Buluan. Napatakbo pa niya ang sasakyan papalayo sa tatlong salarin na tumambang sa kanya ngunit bumangga siya sa tricycle na may pasahero at pare-pareho silang dinala sa ospital.
Kagulat-gulat man ang nangyari sa biktima, mas nakakagulat ang mga salarin. Ang tatlong namaril ay mga menor de edad laman. Sumuko na ang dalawa, isang 17 at 18 anyos. Hinahanap pa ang 16 anyos na kasamahan nila.
Sa mga ulat ay pagnanakaw ang motibo ng mga namaril ngunit palaisipan kung paano sila nakakuha ng mga armas at bala, at kung gawain na nila ang mamaril upang makapagnakaw.
Hindi lamang nahaharap sa matinding kaso ang tatlong menor de edad. Kahaharapin nila ang posibleng pagkakabilanggo ng matagal na panahon. Kung hindi man ay tatatak sa isip ng mga tao ang kanilang kapangahasan na marahil ay ikahihirap nilang makapamuhay nang maayos.
Isang katulad na krimen ang nangyari rin sa Amerika na kinasangkutan ng kabataang armado.
Nakadetine na ang dalawang nahuling saspek sa pamamaril sa parada ng nanalong koponan sa National Football League finals, ang Kansas City Chiefs, sa siyudad ng Kansas nitong Miyerkules. Katulad ng mga bumaril sa doktora, sila ay maaaring mabilanggo nang matagal dahil sa isa ang kanilang nabaril na namatay at 22 iba pang tao, kabilang ang maraming menor de edad, na tinamaan nila.
Parehong nakababahala na may gumagalang mga batang kriminal na walang-takot na mamaril o pumatay ng kapwa at mga Kabataang nakakulong dahil sa pamamaril o pagpatay gamit ang armas.
Isa lamang bang coincidence na mga kabataan ang namaril ng duktor at parada ng tao o sadyang normal na ganitong krimen.
Kung ano pa man, dapat itong matugunan ng mga kinauukulan para sa kaligtasan ng mga inosenteng mamamayan.