Nagpakita sa unang pagkakataon ang isang barkong pandigma ng Tsina malapit sa Scarborough Shoal kahapon habang kinokompronta ng mga barkong milisyang Intsik ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na nagpapatrolya roon at nagdadala ng pagkain sa mga mangingisdang Pilipino.
“Sa unang pagkakataon ay na-monitor namin ang presensya ng PLA Navy na nasa layong humigit-kumulang 28 milya nang dumating ang BFAR sa Bajo de Masinloc at kalaunan ay lumapit ito sa layong 18 milya,” sabi ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard.
Ang barko ng PLA Navy ay hindi kailanman umabot ng 12 milya sa teritoryong dagat ng Pilipinas at paligid na tubig ng Bajo de Masinloc.
Subalit may apat na barko ng China Coast Guard — ang 3063, 3064, 3302 at 3105— malapit sa Bajo de Masinoloc habang nagpapatrolya ang BRP Tamblot ng BFAR.
Sinabi ni Tarriela na ang barkong 3302 at 3105 ng CCG ay nagsagawa ng mga delikadong maneobra upang pigilan ang barko ng BFAR na makapasok sa Scarborough Shoal.
Ang nasabing dalawang barko ay siya ring humarang sa barko ng PCG na makalapit sa Scarborough Shoal, aniya.
Apat na barkong milisyang Intsik at tumulong sa pagharang sa Tamblot.
Binuntutan rin ng mga barkong Intsik ang mga barkong Pilipino sa lugar, ayon kay Tarriela.
Iginiit ni Tarriela na hindi nagpunta roon ang barko ng BFAR at PCG upang hamunin ang mga barkong Intsik kundi masiguro lamang na nakakapangisda ang mga Pilipino sa lugar.