Kilalang video-sharing app ang TikTok. Katunayan, nauungusan na nito ang kasikatan ng YouTube. Marami ang gumagamit ng TikTok sa Pilipinas para sa pagbabahagi ng mga video ng kanilang ginagawa tulad ng pagsasayaw, pagkain, pagkanta at kung anu-ano pa. Nagsisilbi rin itong kasangkapan upang kumita lalo na kung marami ang nanonood ng video nan aka-upload sa app.
Kung anong sikat ng TikTok sa taong madla ay siya namang pagbabawal rito sa mga kasundaluhan. Bawal ang mga sundalo at mga kawani ng hukbong sandatahan na gumamit ng nasabing app, tulad ng umiiral sa militar ng Estados Unidos.
Ibig sabihin ay walang pagkakataon ang mga sundalo na makapanood sa TikTok sa kanilang telepono na galing sa gobyerno. Hindi rin sila maaaring gumawa ng video gamit ang nasabing app.
May katwiran naman ang hukbong sandatahan na pagbawalan ang mga sundalo sa paggamit ng TikTok. Dahil gawang Tsina ang app na ito, sinasabing may kakayahan ang app na mang-espiya o makita ang mga datos o pribadong impormasyon na nakalagay sa telepono.
Sa Estados Unidos, matagal nang ipinagbawal ang paggamit ng TikTok sa kani-kanilang mobile phone dahil umano kaya itong kontrolin ng mga Intsik sa malayo upang makita ang mga kampo ng sundalo, marinig ang pag-uusap nila at makuha ang mga sensitibong impormasyon na laman ng telepono.
Ayon kay Col. Francel Margareth Padilla, tagapagsalita ng Hukbong Sandatahan, kaya rin ng app na magpadala ng mensahe sa sinumang nasa phonebook ng telepono.
Sa madaling salita, maraming malalaman ang TikTok tungkol sa gumagamit nito. Isa itong kasangkapan ng mga Intsik upang makapang-espiya sa atin.
Sa ngayon ay wala pa namang naiuuulat na na-espiyahan tayo ng mga Intsik gamit ang TikTok. Hindi na hihintayin ng AFP na mangyari ito dahil malalaman ng kalaban ang kilos ng ating mga sundalo.