Ipinasa ng parliyamento ng Greece nitong Huwebes ang isang panukalang batas na nagpapahintulot sa pagpapakasal at pag-aampon ng parehong babae o lalaki sa kabila ng pagsalungat ng makapangyarihang Orthodox na simbahan at pagiging konserbatibo ng gobyerno.
Kapag naipahayag na ang batas, ang Greece ay magiging ika-37 bansa sa mundo at ang unang Kristiyanong Ortodokso kung saan magiging legal ang pag-aampon ng parehong kasarian na mga pamilya.
Ang panukalang batas, na suportado ng partido ng Bagong Demokrasya ng Punong Ministro na si Kyriakos Mitsotakis, ay naaprubahan sa bisa ng 176 na pabor na boto mula sa 245 na miyembro ng parlyamento na dumalo kasunod ng dalawang araw ng mga debate.
“Ito ay isang milestone para sa mga karapatang pantao, na sumasalamin sa Greece ngayon — isang progresibo, at demokratikong bansa, na masigasig na nakatuon sa mga prinsipyo ng Europa,” sabi ni Mitsotakis sa X.
Nang ipahayag ang resulta ng botohan, dose-dosenang mga tao na nagwawagayway ng mga watawat ng bahaghari ang nagdiwang sa harap ng gusali ng parlyamento sa Athens.
Hinamon ni Mitsotakis, na personal na nanguna sa pagtataguyod ng panukalang batas, ang mga mambabatas na tanggalin anbg hindi pagkakapantay-pantay sa demokratikong Greece na umetsa-pwera sa mga pamilyang may magkaparehong kasarian ang magulang.
Sa reporma, “mapabubuti ang buhay ng iilan sa ating mga kababayan, nang hindi inaalis ang anuman sa buhay ng marami,” dagdag niya.
Ang boto ay itinuring na makasaysayan ng mga asosasyon ng LGBTQ na nagsabing ang mga magkaparehong kasarian ay nahaharap sa diskriminasyon sa ilalim ng kasalukuyang batas ng pamilya.
Kapag nagkasakit ang kanilang mga anak sa Greece, ang mga hindi biyolohikal na magulang ay kasalukuyang walang karapatan na magpasya kung anong mga medikal na pamamaraan ang kinakailangan para sa kanila.
Ang mga bata ay hindi awtomatikong nagmamana mula sa kanilang hindi biyolohikal na mga magulang.
Kung ang isang bata ay may dalawang ama, maaari lamang silang mairehistro sa civil registry at makuha ng mga serbisyong panlipunan sa pamamagitan ng paglalagay ng pangalan ng biyolohikal na ina.