Sa kabila ng naglipanang dating sites sa Internet at mga social media kung saan makakahanap ng kasintahan o mapapangasawa ang isang single na lalaki o babae, naririyan pa rin ang tradisyunal na paghahanap ng mapapakasalan na tinaguriang mail-order bride.
Sa sistemang MOB, ipatatalastas ng isang babae ang sariling detalye na may kasamang larawan niya sa mga catalog upang makita at mabasa ng mga banyaga. Kapag may nakapili sa kanya, siya ay kokontakin ng interesadong lalaki upang magkakilala sila at gagastusan niya ang pagbyahe ng napiling nobya sa kanyang bansa upang doon sila magpakasal.
May mga matagumpay na MOB at mayroong hindi. Ginagawa rin itong modus ng mga sindikatong kriminal upang makakuha ng babaeng gagawin nilang prostitute upang pagkakitaan.
Kilala dati ang MOB sa paghahanap ng asawang Amerikano at Hapones. Subalit sakop na rin nito ang ibang banyaga.
Noong Pebrero 14 o Araw ng mga Puso, nalaman ng mga taga-Bureau of Immigration na maging mga Intsik ay tumatangkilik na rin ng MOB. Ito ay nang matuklasan nila ang mag-asawang Intsik at Pilipina na patungo sa Xiamen, China.
Subalit nang tanungin ang mag-asawa ng mga ahente ng BI tungkol sa kanilang mga dokumento, magkasalungat ang kanilang sagot kaya nagduda ang mga inspector.
Batay sa sertipiko ng kasal ng dalawa, sila ay ikinasal sa Kamasi, Maguindanao noong Oktubre 2022. Ang ikinagulat ng mga taga-BI ay hindi peke ang papeles subalit sa talaan ng ahensya ay wala siya sa bansa noong petsa ng kanilang kasal.
Umamin ang babae na hindi siya ang lumakad ng marriage certificate nila at hindi niya alam kung paano ito naproseso.
Sinabi naman ng lalaki na binayaran nila ang marriage certificate ng P40,000 sa isang ahensya sa Tsina.
Nabahala si BI Commissioner Norman Tansingco sa nasabing modus kung saan tunay ang sertipiko sa kasal ngunit peke ang nakalagay na detalye. Masasabi rito na hindi rin tunay na mag-asawa ang dalawa.
Sa mga babaeng pumapayag sa ganitong paraan ng pagpunta sa Tsina o paghanap ng trabaho sa ibang bansa, maaaring nailalagay nila sa alanganin ang kanilang buhay. Maaari silang maging biktima ng pang-aabuso.
May umiiral na batas na nagbabawal sa MOB o Republic Act 10906. Dapat silipin ito ng mga kinauukulan para sa kaligtasan ng mga kababaihang Pilipino.
Sa mga tunay namang nagmamahalan, siguradong hindi peke ang detalye ng kanilang marriage certificate at hindi sila makwekwestyon ng mga taga-immigration.