Inihayag ng Department of Education na bukas ito sa mga deliberasyon sa panukalang taasan ang sahod ng mga public schools teachers sa P50,000 kada buwan.
Sinabi ni Education Undersecretary at spokesperson Atty. Michael Poa na palaging magsusulong ang DepEd para sa karagdagang benepisyo para sa mga guro.
Kung matatandaan, nauna nang naghain ng House Bill 9920 sina ACT Teachers Representative Francisca Castro, Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas at Kabataan Party-list Representative Raoul Danniel Manuel na naglalayong i-upgrade ang suweldo ng mga guro mula Salary Grade 11 hanggang Salary Grade 15.
Ayon sa mga naturang nagsusulong ng panukalang batas, ang kasalukuyang suweldo ng mga guro ay hindi sapat para matugunan ang family living wage na P1,119 kada araw o P33,570 kada buwan.
Dagdag pa ni Poa, hindi maaaring imungkahi ng DepEd ang “ideal salary” para sa mga guro sa pampublikong paaralan dahil ito ay depende sa resulta ng pag-aaral ng World Bank.
Ayon naman kay DepEd deputy spokesperson Asec. Francis Bringas, sa ngayon ay hinihintay pa nila ang ginagawang pag-aaral ng World Bank na magpapakita kung paano ang dapat na dagdag na pasahod para sa mga guro.
Paliwanag ng opisyal, kinakailangan ng DepEd ang ganitong uri ng mga impormasyon para sa pagpapatupad ng salary hike sa mga guro nang hindi nagagambala ang staffing pattern ng ahensya.
Samantala, sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na aniya ang DepEd sa World Bank kaugnay sa naturang pag-aaral bago nito ipatupad ang wage hike bill na inihain sa Kamara.