Natagpuan ang katawan ng isang babae na hindi na makilala sa isang tubuhan sa Balayan, Batangas.
Ayon sa mga ulat, sinabing ang nagtatrabaho sa tubuhan ang nakakita sa bangkay sa Barangay Malalay at hinala ng pulisya, miyembro ng New People’s Army ang babae base na rin sa mga gamit na nakita na kasama ng bangkay.
Ayon kay Police Major Domingo Ballesteros Jr., hepe ng Balayan police station, malapit ang tubuhan sa lugar kung saan nagkaroon ng engkuwentro ang militar at mga rebelde noong nakaraang Disyembre.
Disyembre 17 nang mangyari ang naturang engkuwento na ikinasawi umano ng pitong rebelde at ayon kay Ballesteros, tinatabas na ang mga tubo para i-proseso nang madiskubre ang bangkay.
Hinihinala na nakatakbo sa malawak na tubuhan ang babae at hindi na napansin at naiwan doon.
“Sa mga na-recover namin na pieces of belongings niya may ammunition din po siya sa bag niya na calibre 40 [baril],” ayon kay Ballesteros.
Dinala ang bangkay sa isang punerarya para suriin at hintayin kung sakaling may kaanak na maghahanap.