Ang embahada ng Thailand sa Yangon, Myanmar ay dinagsa ng mga kabataang lalaki at babae na kumukuha ng visa upang makapunta sa kalapit bansa mula nang ipahayag ng namamahalang junta noong Sabado na ipapatupad nito ng isang batas sa sapilitang pagserbisyo ng mga mamamayan sa hukbo.
Kahapon, isang mamamahayag ng Agence France-Presse ang nakakita ng pila ng aplikante ng visa na nasa pagitan ng 1,000 at 2,000 katao malapit sa downtown ng Yangon. Datirati, 100 tao lamang ang pumipilang aplikante ng visa sa embahada.
Sinabi ng embahada na nag-iisyu ito ng 400 na de-numerong tiket sa isang araw upang pamahalaan ang aplikante at pila.
Ang estudyanteng si Aung Phyo, 20, ay nagsabing dumating siya sa embahada ng alas-8 ng gabi noong Huwebes at natulog sa kanyang sasakyan bago nagsimulang pumila bandang hatinggabi.
“Kinailangan naming maghintay ng tatlong oras bago buksan ng pulisya ang pasukan bandang alas-3 ng umaga at kinailangan naming tumakbo sa harap ng embahada upang subukang makakuha ng mga lugar para sa isang token,” sinabi niya sa AFP, gamit ang isang alias dahil sa takot sa kanyang kaligtasan.
“Pagkatapos naming makakuha ng isang token, ang mga tao na hindi nakakuha nito ay nakapila pa rin sa harap ng embahada, umaasang mabibigyan sila ng extra token.”
Sinabi ng militar na tatawagin nito ang lahat ng lalaki na may edad 18 hanggang 35 at kababaihan na may edad 18 hanggang 27 upang maglingkod sa hukbong sandatahan nang hindi bababa sa dalawang taon, habang nagpupumilit itong sugpuin ang mga tutol sa kudeta nitong 2021 na nagpatalsik sa sibilyang pamahalaan ni Aung San Suu Kyi.
Sinabi ng junta na nagsasagawa sila ng mga hakbang upang armasan ang mga maka-militar na militia habang nakikipaglaban ito sa mga kalaban sa buong bansa na tinaguriang “People’s Defense Forces” at mga rebeldeng mula sa mga etnikong minorya.
Walang ibinigay na mga detalye tungkol sa kung paano inaasahang maglingkod ang mga tinawag na magsundalo ngunit maraming kabataan ang tila hindi gustong maghintay at malaman ito.