Mukhang tama ang pagpili ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay dating senador Ralph Recto bilang bagong kalihim sa pananalapi kapalit ni Benjamin Diokno na itinalaga sa Monetary Board ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Iyan ay batay sa pahayag ni Recto na palawigin ang libreng edukasyon sa mga mamamayan.
Noong si Diokno pa ang kalihim sa pananalapi, naging kontrobersyal ang kanyang pahayag na ang umiiral na libreng kolehiyo na ipinatupad ng dating administrasyon ay hindi mahusay at maaksaya sa pondo. Ang pahayag niya ay batay sa kakulangan ng pondo ng pamahalaan dahil sa napakalaking nagastos nito sa pagtugon sa pandemya ng Covid-19. Bagaman may katwiran si Diokno, marami ang umalma sa posibleng pagtanggal ng pondo para sa pagpapatupad ng batas sa Universal Access to Quality Tertiary Education na milyong estudyante ang nakikinabang. Bukod sa mga mag-aaral, apektado ang kanilang mga magulang na walang kakayahang tustusan ang kanilang pag-aaral sa pribadong kolehiyo na sadyang malaki o mahal ang matrikula.
Iba naman ang pananaw ni Recto. Ayon sa kanya, dapat ay laging pinalalawig ang edukasyon at mahalaga na gumastos ng mas malaki rito.
Kailangang maglaan ng pondo sa programang edukasyon dahil ito ay pinakamahalagang puhunan. Paliwanag ni Recto, maraming imprastraktura ang tinatayo na mga mamamayan ang gagamit. Kung hindi edukado o kulang sa edukasyon ang mga tao, hindi magiging kapakipakinabang ang paggamit ng mga naitayong imprastraktura.
Sa pahayag ni Recto, umaasa ang mga tao na magpapatuloy ang libreng edukasyon hanggang sa kolehiyo at mas marami ang makakakuha nito.
Maaaring bansagan ang pananaw ni Recto sa edukasyon na University of Recto o Unibersidad ng Recto. Bagaman masama ang reputasyon ng kathang-isip na paaralan na tumutukoy sa bahagi ng kilalang kalye sa Maynila kung saan nakapwesto ang mga namemeke ng diploma na binibili ng mga hindi nakapagtapos ng kolehiyo o pag-aaral upang magamit sa pagkuha ng trabaho, maaari ring tumukoy ito sa patuloy na libreng edukasyon na magbibigay pagkakataon sa mga mahihirap na pamilya na makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng Magandang kinabukasan.