Nagsagawa ng command conference ang Philippine National Police nitong Huwebes kung saan pinangunahan ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Camp Crame sa Quezon City.
Ayon kay PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr., wala naman umanong kakaibang napag-usapan at regular na command conference lamang umano ang naidaos.
Nag-ulat ang PNP kay Marcos hinggil sa mga accomplishments nito at maging sa kasalukuyang sitwasyong pang-seguridad sa bansa at kasabay nito, inaasahan din na magbibigay ng direktiba si PBBM sa PNP kaugnay pa rin sa mga usaping may kinalaman sa pagtitiyak ng seguridad, kapayapaan, at kaayusan sa Pilipinas.
Samantala, kaugnay pa rin nito ay pansamantala munang sinuspinde ang transakyon ng publiko sa ilang mga tanggapan ng PNP sa Kampo Crame bilang pagbibigay-daan pa rin sa naturang aktbidad.
Kaalinsabay nito ay ang mahigpit din na implementasyon ng seguridad sa buong kampo kung saan nagpatupad ng partial lockdown sa lugar mula alas-8:00 ng umaga kung saan may ipinairal din na traffic re-routing scheme, at no entry area sa Headquarters Support Service sa ilang lugar.
Sa ibang balita, inatasan ni Marcos ang PNP na maging strategic umano sa pagbili ng mga communication equipment upang mapalakas pa ang interoperability nito lalo sa mga sitwasyong pang-emergency at krisis.
Tinukoy rin ng Pangulo ang kahalagahan na magkaroon ng maayos na communications system sa hanay ng pambansang pulisya.
Nais rin ng Pangulo na makapag-report kaagad ang mga pulis sa ground sa mga di inaasahang sitwasyon.