Isang tao ang namatay at 21 ang nasugatan, kabilang ang mga bata, sa pamamaril nitong Miyerkules sa parada ng koponang Kansas City Chiefs sa Union Station, Kansas City, United States.
Umalingawngaw ang mga putok habang nagdiriwang ang mga manlalaro at tagahanga ng Chiefs sa pagkapanalo nila ng Super Bowl, ang kampeonato sa National Football League, ang pambansang liga ng American football sa Estados Unidos. Sunod na nagkagulo at nagpulasan na ang mga tao sa lugar kung saan ang masayang umaga ay napalitan ng takot at lungkot sa nasawi.
Sinabi ng pulisya na tatlong tao ang inaresto pagkatapos ng pag-atake at iniimbestigahan na ng pulis ang motibo sa likod ng pamamaril.
Sinabi ng pinuno ng departamento ng bumbero na si Ross Grundyson sa isang press conference na marami sa mga biktima ay nagtamo ng matinding pinsala sa katawan dahil sa tama ng bala.
Kinilala naman ang nasawing biktima na si Lisa Lopez, isang lokal na DJ, sabi ng kanyang istasyon ng radio na KKFI.
Sinabi ng Children’s Mercy Hospital na ginagamot nito ang 12 katao — 11 sa kanila ay mga bata na ang siyam ay may tama ng bala. Sinabi ng isang tagapagsalita ng ospital na ang lahat ay inaasahang gagaling.
Si Paul Contreras, na nasa rally kasama ang kanyang tatlong anak na babae, ay nagsabi na kanyang hinarap at dinisarmahan ang isa sa mga hinihinalang namaril bago dumating ang mga pulis, ayon sa ulat ng CNN.
Tinulungan ng isang Samaritano si Contreras, dagdag ng CNN.
Ginamot ang mga biktima na nakahandusay sa lupa bago sila nilagay sa mga stretcher sa gitna ng gulo, maraming tao, at daan-daang pulis na sumugod sa lugar.
Sinabi ng star player ng Chiefs na si Travis Kelce na “heartbroken” siya sa pangyayari.
Sinabi rin ng koponan sa isang pahayag na sila’y nalulungkot sa walang katuturang karahasan na nangyari sa Kansas City.