Inihayag ng Management of the Dead and Missing sa Davao de Oro nitong Huwebes na pumalo na sa 90 ang naitalang patay sa nangyaring landslide sa Barangay Masara sa bayan ng Maco noong nakaraang linggo.
Ayon kay MDM cluster head Lea Añora, bukod sa tumaas na death toll ay mayroon pa ring nasa 37 katao ang nawawala habang nasa 39 death certificates naman ang na-isyu ng ahensya.
Sa kabuuang 90 na naitalang nasawi, nasa 14 na labi pa rin ang hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan at pansamantala munang inilibing sa Maco Public Cemetery.
“The 90 retrieved include complete bodies and body parts,” sabi ni Añora at dagdag niya, ang mga nawawalang indibiduwal ay naitala na sa mga police blotters matapos maipagbigay-alam ng mga otoridad sa kanilang mga pamilya.
Umapela rin si Añora sa mga pamilyang naghahanap sa kanilang mga nawawalang kaanak na tingnan rin ang mga local government advisories sa paraan ng pagtukoy sa mga labing nakuha mula sa guho.
“Our actions taken are continuous like the postmortem, blotters, and the collection of the retrieved belongings of the victims,” sabi ni Añora.
Samantala, inilunsad na ang retrieval operations nitong Miyerkules, habang sinabi naman ng Davao City Urban Search and Rescue 911 na mananatili pa rin ito sa lugar hanggang tatlong araw upang magbigay-tulong sa isinasagawang retrieval operations.
Ayon naman kay City Disaster Risk Reduction and Management Office head Alfredo Baloran, nakapagdeploy na sila ng rescue technicians, search and rescue equipment at dalawang K9 sa lugar upang makatulong sa search and rescue operations.
Sa ibang balita, inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Davao City na magbibigay ito ng financial assistance sa 15 local government units sa Davao at Caraga regions.
Ayon kay Baloran, nakuha na nila ang mga kailangang dokumento at ang mga listahan ng lugar na nagdeklara ng state of calamity para maibigay ang kinakailangang tulong.
“The financial assistance will be delivered once it is ready,” sabi ni Baloran.