Nagpaabot ng pasasalamat si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamahalaan ng Estados Unidos sa ginagawa nitong pagtulong sa mga komunidad na naapektuhan ng sunod-sunod na kalamidad sa Mindanao.
Kung matatandaan, nagpadala ang US government ng dalawang US C-130 na ipinadaan sa Indo- Pacific Command upang maghatid ng tulong para sa mga residenteng naapektuhan ng sakuna.
Personal na ipinaabot ni Marcos ang pasasalamat sa US government nang mag-courtesy call sa Malacañang si US Ambassador to the Philippines Marykay Loss Carlson.
Sa pulong nina Marcos at Carlson, ipinaabot ng US Ambassador na malugod na nagpadala ang Washington ng dalawang C-130s mula sa Indo-Pacific Command sa kabila na hindi ito ang pinakamadali at murang paraan na magpadala ng foreign assistance.
Tiniyak naman ni Carlson kay Marcos na nakahanda ang Amerika na tumulong sa Pilipinas kung sila ay kakailanganin.
Bukod sa ipinadalang mga tulong mula sa Indo-Pacific Command,nagbigay na rin ang US government ng nasa US$1.25 million emergency support sa Pilipinas.
Tinukoy naman ng Pangulo ang kahalagahan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement sites para sa gagawing disaster relief and response at hinikayat nito ang mga opisyal ng Amerika na gamitin ang mga nasabing facilities.
Sa pagtungo ng Pangulo sa Mindanao noong nakaraang linggo nagbigay na rin ito ng nasa P265 million halaga ng pinansiyal na tulong sa Davao region para sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.
Samantala, nagdeploy pa ng dagdag na K-9 units ang Philippine Coast Guard para sa pagsasagawa ng search and retrieval operations sa mga biktima ng pagguho ng lupa sa bayan ng Maco sa Davao de Oro.
Ayon sa Coast Guard District Southeastern Mindanao, nakarating na sa Davao City ang tatlong dagdag na Coast Guard K9 Search and Rescue dogs mula sa Zamboanga City, Zamboanga del Sur para lumahok sa misyon ng coast guard K9 search and rescue Appa.
Sa gitna ito ng nagpapatuloy na retrieval operations sa Barangay Masara, Maco, Davao de Oro kasunod ng nasabing insidente.
Ang naturang dagdag na K9 dogs at ang kanilang mga handler ay mainit na tinanggap kaalinsabay ng pagbabasbas ni REV FR (CG LT) Emmanuel Cabahug para sa ikatatagumpay ng kanilang misyon.