Isang lola ang nakaligtas sa kamatayan matapos nitong manlaban nang tinakpan ang kanyang bibig at ilong at pinagsusuntok pa at ilang beses pang iniumpog sa sahig ng isa sa dalawang nanloob sa kaniyang bahay sa Maynila.
Ayon sa mga pulisya, naaresto na ang mga suspek at napag-alamang apo pala ng biktima ang mga ito.
Sa kuha ng CCTV, makikita na mahimbing na natutulog ang lola sa kaniyang bahay gabi ng Disyembre 3, 2023 at ilang saglit lang, isang babae ang pumasok sa bahay na may dala-dala na tila tela.
Pumaimbabaw ang suspek sa matanda, saka niya tinakpan ang bibig at ilong nito, pero hindi nagpatinag ang biktima at buong lakas na bumaba sa kama upang makawala sa pagkakadagan sa kaniya.
Maririnig pa sa CCTV ang pagsigaw ng lola.
Habang nagpapambuno ang dalawa, biglang pinaghahataw ng suspek ng kaniyang kamao ang ulo ng matanda. Gayunman, hindi nagpaawat ang lola sa pagsigaw.
Dito na siya puwersahang iniumpog sa sahig nang anim na beses kaya siya nahilo.
Tumayo ang babae at kinuha ang pouch ng biktima na naglalaman ng pera, alahas, at cellphone, bago tumakas.
Batay sa imbestigasyon, mismong mga apo ng lola ang mga nasa likod ng pananakit at panloloob at nasa edad 22 lamang ang babaeng umatake sa kaniya.
Nadakip ang babaeng suspek sa Aurora province, makaraang makapagsampa ng reklamo at makapaglabas ng warrant of arrest ang korte. Arestado naman sa Cavite ang kasabwat nito umanong kapatid.
Narekober ang ilan sa mga ninakaw sa lola.
Sinabi ni Police Brigadier General Thomas Ibay, District Director ng Manila Police District na inireklamo ng robbery with violence ang mga suspek.