Sagana ang gatas sa sustansiyang calcium na pampalakas ng buto. Iyan ang turo sa klase sa paksang nutrisyon. Ngunit hindi kaugalian ng pamilyang Pilipino ang pag-inom ng sariwang gatas araw-araw para sa magandang kalusugan. Karaniwang pinaiinom lang ito sa mga sanggol kung wala na silang madede sa ina at sa mga batang mag-aaral.
Upang makatulong sa pagpapainom ng gatas sa mga batang malnourished o kulang sa nutrisyon o pagkain, inilunsad kamakailan ng Department of Education ang isang programang pagpapainom sa mga batang mag-aaral ng gatas.
Inilunsad ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte ang kampanyang tinaguriang Lakas Gatas sa Esteban Abada Elementary School sa Quezon City kamakailan.
Sa maikling panahon, maganda ang resulta ng programa dahil batay sa feedback ng mga pamilya ng mga bata ay marami ang naging masigla at masigasig sa pag-aaral. Marami rin ang tumaas ang timbang o bumigat at lumakas ang resistensya laban sa mga sakit.
Malaking tulong ang Lakas Gatas ng DepEd lalo pa’t hindi kinagawian ng pamilyang Pilipino ang pag-inom ng gatas.
Hindi naman ito maikakaila dahil may kamahalan ang presyo ng gatas kaya kakaunti lamang ang nakakabili nito. Kulang rin ang produksyon ng mas murang gatas mula sa mga lokal na nag-aalaga ng baka.
Ayon sa datos ng National Dairy Authority, 17 milyong litro ng gatas lamang ang nakuha mula sa 7,000 bakang gatasan noong nakaraang taon.
Halos lahat ng supply ng gatas sa bansa ay inangkat sa mga bansang Australya at New Zealand kung saan napakalaki ang populasyon ng mga bakang ginagatasan.
Upang lumaki ang sariling produksyon ng gatas, kailangang damihan ang bilang ng mga bakang gatasan, ayon kay Dr. Gabriel Lagamayo, administrador ng NDA.
Kaakibat ng pagpaparami ng bilang ng bakang gatasan ay ang pagpaparami rin ng kanilang pagkain na mais.
“Kailangan nating ibigay ang nutrisyon sa baka para makapagbigay rin siya ng maraming gatas,” sabi ni Lagamayo.