Inihayag ng Commission on Elections na uunahin nitong mabigyan ng voters’ identification cards ang mga overseas Filipinos kung maibabalik muli ang mandato sa poll body na magpamigay nito.
“Kami po ay mag-uusap ngayong darating na Miyerkules sapagkat gusto muna natin, kung magbabalik tayo ng voters’ ID, sa ating kababayang abroad muna kasi hindi sila ganoon karami,” saad ni Comelec chairman George Garcia.
“Sa susunod, tsaka tayo magpapa-issue ng mga voters’ ID para sa ating mga kababayan dito naman sa Pilipinas, of course, depende sa budget na mabibigay sa atin ng Kongreso,” dagdag niya.
Nitong Lunes ay nagsimula na ang voter registration na tatagal hanggang September 30, 2024. Bahagi ito ng paghahanda ng Comelec sa gaganaping mid-term elections sa 2025.
Idinaos din ang National Voter’s Day na sinabayan ng mga aktibidad sa mga tanggapan ng Comelec para hikayatin ang publiko na magpatala at bumoto. Inaasahan na aabot sa tatlong milyong Pinoy ang magpaparehistro sa buong bansa, at magiging bagong botante.
Humingi rin ng tulong ang Comelec sa mga pamunuan ng mga mall upang maipatupad ang kanilang programang Register Anywhere Project at dahil dito, maaaring magparehistro ang mga Pinoy sa RAP sa 170 malls sa buong bansa.