Nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang search operations sa nangyaring landslide sa bayan ng Maco sa Davao de Oro at ayon sa lokal na pamahalaan, mayroon na umano silang nakuhang 67 katawan at apat na “body parts” mula sa guho.
“We have a total of retrieved bodies and body parts, 71. So, ang unidentified bodies naman natin there is a total of 17,” sabi ni Leah Añora ng management of the dead and the missing cluster.
“So, we have complete bodies a total of 67. Yung body parts natin we have four,” dagdag niya.
Sinabi rin niya na nasa 47 katao pa rin ang nawawala.
Kung matatandaan, sinabi ng mga otoridad na pumalo na ang death toll sa landslide sa 68 habang nasa 32 katao naman ang naiulat na sugatan habang nagpapatuloy ang search at retrieval operations.
“Nare-recognize nila ‘yung facial identity ng victim but later on, hindi na siya ma-identify,” sabi ni Dr. Charino Labrador ng National Bureau of Investigation-Southeastern Mindanao Regional Office.
“We rely on the secondary parameters. Ine-examine namin mga 10 minutes for fingerprint tapos ‘yung mga identification cards, jewelry, deformities sa katawan, tattoos,” dagdag niya.
Batay sa mga ulat, mas marami umano ang nasawi mula sa dalawang bus na natabunan ng guho at halos lahat umano ay mga manggagawa ng isang mining company sa lugar na naghahanda nang umuwi nang mangyari ang landslide.
Samantala, nagpakalat na rin ng mga rescue dogs upang tumulong sa paghahanap sa mga nawawala pa, habang ang mga opisyal naman ng lokal na pamahalaan ay naghahanap na rin ng mga lugar na puwedeng lagakan ng mga apektadong residente.
“So far as the vision to have them relocated, the vision that area is not going to be occupied again, we would be firm with that. We cannot allow anybody there to occupy again that Ground Zero,” saad ni Davao de Oro Governor Dorothy Montejo-Gonzaga.
Nagpapatuloy pa rin ang pagmimina ng Apex mining firm sa kabila ng landslide.
“Magkakaroon ng flooding kung hindi natin io-operate ang mga facilities. Magkakaroon ng accumulation of gas, so unsafe na naman,” paliwanag ni Engr. Ferdinand Dobli na siyang Apex Mining Company Incident Commander.