Isang batang babae ang nasawi matapos umanong matuklaw ng isang cobra sa loob ng kanilang banyo sa Catarman, Northern Samar at ayon sa ama ng tatlong-taong-gulang na biktima, na nadinig niyang umiyak ang kaniyang anak.
Nang puntahan niya ang bata, nagsumbong ang biktima na tinuklaw siya ng ahas sa paa.
Sinubukan nilang dalhin sa albularyo ang bata pero binawian na ito ng buhay habang nasa daan pa lang sila.
Napatay naman ng ama ang ahas na pinaniniwalaan na isang Samar cobra, na kabilang sa mga makamandag na ahas sa bansa.
Ang pangamba na matuklaw din ang dahilan kaya naman pinatay ng mga residente sa Toledo City, Cebu, ang dalawang king cobra na kanilang nakita noong nakaraang linggo.
Ipinost pa sa social media ang larawan ng dalawang patay na cobra habang nakabitin noong Huwebes.
Unang nakita ang dalawang ahas na magkapulupot sa damuhan. Sa takot ng mga residente na makatuklaw ang mga ahas lalo pa’t may mga bata sa kanilang lugar, nagpasya silang patayin na lamang ang mga ito.
Hindi raw iyon ang unang pagkakataon na may nakitang king cobra sa kanilang barangay.
Mag-uusap naman ang mga opisyal ng barangay kung ano ang dapat nilang gawin kapag may nakitang cobra sa kanilang lugar.