Unti-unting nagkakaroon ng hustisya ang apat na mga biktima ng pambobomba sa gym ng Marawi State University noong Disyembre 3 matapos kumpirmahin ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas (AFP) ang pagkakapatay sa isa sa mga sangkot sa nasabing terorismo.
Tinukoy ng militar ang napatay na terorista na si Khadafi Mimbesa, alyas “Engineer.” Ang kasapi ng grupong Dawlah Islamiyah ay napaslang sa engkwentro sa mga tumutugis na sundalo sa Lanao del Sur nitong Enero, pahayag ng tagapagsalita ng AFP sa mga mamamahayag.
Kinumpirma rin ng isang sumukong miyembro ng teroristang DI-Maute nitong Linggo, si Khatab, ang pagkakakilanlan ni Mimbesa at sinabi ang kinaroroonan ng ibang sangkot sa pambobomba sa MSU.
Apat ang namatay sa pagsabog sa MSU at umaasa ang mga pamilya nila na mahuhuli sila.
Hinikayat naman ng pinuno ng AFP, si Heneral Romeo Brawner Jr., na sumuko na ang mga salarin upang hindi nila danasin ang sinapit ni Mimbesa dahil tutugisin sila ng husto ng mga sundalo.
Ang kilos at sigasig ng militar laban sa mga terorista ay karapat-dapat ng pagbati at pasasalamat dahil hustisya ito para sa mga biktima.
Bukod sa pagpapanagot sa mga terorista, nagpapanatag din ng loob ang mga katuwang ng kasundaluhan sa pagsisiguro na walang makakapasok na terorista sa bansa.
Kung hindi dahil sa alistong pagbabantay ng mga taga-Bureau of Immigration sa mga paliparan, malamang ay nakapasok ang isang wanted na terorista sa bansa.
Naharang ng mga taga-BI ang pagpasok sa bansa ng isang taga-Belgium na hinihinalang terorista ng Interpol. Kinumpirma ng BI na naharang ang Belgian, na hindi pinangalanan, sa Ninoy Aquino International Airport nitong Pebrero 7.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na hindi pinayagan ng mga taga-BI na makalabas ang 31 anyos na lalaking banyaga sa NAIA Terminal 3 at pinabalik siya sa kanyang pinanggalingan sa Abu Dhabi, pati na ang kasama niyang babae. Ito ay matapos lumabas ang kanyang pangalan sa listahan ng Interpol ng mga pinaghahanap ng ibang bansa at nakita ito ng mga alistong ahente ng BI.