Nitong nakaraan ay inihayag ng Philippine Statistics Authority na pumalo sa 2.8 percent ang inflation rate para sa buwan ng Enero ngayong taon at marami ang naniniwala ang ilan na malaki ang magiging epekto nito sa presyuhan ng ilang mga pangunahing pagkain.
Isa na rito si Albay Representative Joey Salceda, na nagsabing malaki ang maiaambag sa pagbaba sa presyo ng mga pagkain gaya ng mais, sibuyas, bigas at asukal ang naitalang inflation rate.
Pero nilinaw ng mambabatas na hindi kasama dito ang presyo ng bigas dahil posibleng mas magstabilize umano ang presyuhan nito sa buwan ng Mayo.
Paliwanag pa niya, kung wala lang umanong external shocks sa global rice price ay posibleng mas mababa pa sana ang inflation rate ng Pilipinas kaya naman binigyang-diin niya na palakasin na ang produksyon ng bigas sa pamamagitan ng pagpapatubig at pagtatanim ng hybrid seeds.
“The way forward is to significantly increase domestic production of rice. It is doable. We have irrigated only about a third of our arable land. We have only planted some 0.6 million hectares with hybrid seeds, out of a target 1.9 million, with a total of 4.8 million hectares for the palay sector. Completing the target hybrid acreage will improve rice self-sufficiency from 77 percent to a healthy 90 percent – making us les susceptible to global rice price shocks,” saad ni Salceda.
Ipinunto din ng ekonomistang mambabatas na malaking bagay din umano ang pamumuhunan ng Department of Agriculture sa corn processing system sa pagpapababa ng presyo ng mais na nakatulong din sa pagpapababa ng presyo ng karne.
Naniniwala si Salceda na ang mas magandang presyuhan ng pagkain ngayong taon ay may positibong ambag sa ating ekonomiya.
Maging kami ay naniniwala na magiging mas maganda ang presyo ng mga bilihin sa mga susunod na buwan, at sana nga ay magtuloy-tuloy ito.