Isang van ang sumalpok sa isang concrete barrier ng EDSA Busway sa Mandaluyong City nitong Linggo ng umaga at ang pasaherong lulan ng mga bus ay napilitang maglakad sa Ortigas flyover.
Batay sa mga ulat, nangyari ang aksidente sa EDSA southbound lane pagkababa ng Ortigas flyover dakong alas-kuwatro ng umaga.
Kuwento ng driver ng van, galing siya ng Fairview at patungong Cavite para may i-deliver at dahil madilim umano ang lugar, hindi raw niya napansin agad ang mga concrete barrier pagbaba niya ng Ortigas flyover.
Tinted din daw ang sasakyan.
Hindi naman nasaktan ang driver at walang nadamay na ibang motorista.
Ang mga bus naman na nasa EDSA Busway ay naipit sa trapik dahil sa aksidente. Nagpasya na tuloy ang mga pasahero na maglakad na lang pababa ng flyover.
Isang van at bus ang bumangga rin sa mga concrete barrier sa lugar na ito noong nakalipas na Linggo, at noong isang Sabado naman ay isang SUV ang sumalpok din sa mga concrete barrier dito.