Tatlong katao ang nasawi habang nasa 14 pa ang naitalang sugatan sa mga magkakamag-anak matapos pumutok ang gulong ng kanilang van at maaksidente sa Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway.
Batay sa mga ulat, nangyari ang insidente pasado 9 a.m. habang binabagtas ng magkakamag-anak ang bahagi ng TPLEX sa Barangay Tomana West Rosales, Pangasinan.
Sumadsad pa sa barrier ng expressway ang van, bago nagpaikot-ikot sa lakas ng impact.
Nasawi ang 76-anyos na babae at dalawang lalaki na mga edad 30 at 32 habang sugatan ang 14 pang sakay ng van, kasama na ang driver.
“Ang tantiya ko du’n, overload po. Kasi ‘yung gulong ng… ano nu’n eh 14-15. Eh ang sakay niya is 17. Siyempre long distance, hindi nakayanan ng gulong… pumutok,” sabi ni PCMS Marlon Pala, Investigator, Rosales Police.
Lumabas sa imbestigasyon na nagmula sa Caloocan ang magkakamag-anak at patungo sana sa Manaoag para magsimba.
Ayon sa isa sa mga sakay, limang beses na nagpagulong-gulong sa kalsada ang van.
Maayos naman ang takbo ng sasakyan noong umpisa, hanggang sa bigla na lamang pumutok ang gulong nito. Hindi rin inasahan ng mga sakay na papalya ang gulong dahil bagong bili ito.
Nakatakda rin sanang ipa-bless sa simbahan ang van.