Isang 72-anyos na senior citizen ang nasawi matapos itong ma-trap sa kanilang bahay sa isang sunog na sumiklab sa Barangay 96, Pasay City.
Kinilala ang biktima na si Ruben Yabut, na nasawi sa kanilang bahay sa Zamora Street at ayon sa kanyang anak, bedridden o hindi na nakagagalaw si Yabut matapos itong ma-stroke.
Tinangka pa si Yabut na sagipin ng residenteng si Darwin San Miguel pero sugatan si San Miguel, pati ang isa pang residente at isa pang fire volunteer.
Sumiklab ang sunog pasado 2 p.m.
Itinaas agad ng Bureau of Fire Protection ang sunog sa ikalawang alarma.
Naapula ang apoy makalipas ang dalawang oras at ayon sa tala ng barangay officials, nasunog ang 48 bahay, at nawalan ng tirahan ang nasa 70 pamilya.
Nasunog din ang mismong barangay hall ng Barangay 96, at nadamay ang ilang mahahalagang dokumento tulad ng financial documents, blotter at logbook ng barangay.
Panandaliang mananatili sa Zamora Elementary School ang mga nasunugan. Patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng apoy.