Masigasig ang mga makabagong kriminal sa pambibiktima at hamon sa mga pulis na pantayan ito ng parehong sigasig sa paghuli sa kanila. Mismong Philippine National Police ang nagtala ng tumaas na bilang ng mga kasong cybercrime sa taong 2023.
Tumaas ang insidente ng cybercrime ng halos 70 porsyento kumpara sa bilang sa taong 2022. May 19,472 kaso ng cybercrime sa nakaraang taon o 53 kaso kada araw, habang 11,523 lamang sa taong 2022. Karamihan sa mga kaso ay scam o panlilinlang na 14,030 ang bilang, halos 100 porsyentong mas marami sa 7,208 na naitalang kaso noong 2022.
Ang iba pang kaso ng cybercrime na inilapit sa PNP ay pagnanakaw ng pagkakakilanlan, pagbabanta o sextortion, pakikialam sa data, panloloko, paninirang puri, karahasan sa kababaihan o kabataan, at love scam kung saan ang mga sabik sa pag-ibig ang mga biktima at nanakawan ng pera.
Batid ng pangulo ang dumaraming bilang ng kaso ng cybercrime at inutusan nito ang PNP na paigtingin ang paglaban nito sa mga cybercriminal. Ang tugon ng PNP ay magtalaga ng tig-dalawang imbestigador sa bawat presinto sa bansa na aasikaso sa mga biktima ng cybercrime at online fraud.
Ngunit tila mabagal ang PNP sa pagsasanay ng maraming imbestigador ng cybercrime dahil 52 pulis pa lamang sa rehiyong Calabarzon ang nakapagsanay sa pag-imbestiga ng cybercrime.
Hindi katakataka na talamak ang cybercrime dahil pangkaraniwan nang naka-online ang mga tao sa pakikisalamuha sa kapwa, sa pamimili, sa paglalaro o paglilibang at maging sa pakikipagrelasyon. Marami ang malakas ang loob manamantala sa online dahil nakakalusot sila o mahirap mahuli, bukod sa naglipana ang mga aanga-angang biktima.
Dapat ring mabatid ng mamamayan na hindi lamang sa pulis nakasalalay ang pagsugpo ng mga cybercrime kundi sa kanila. Hindi dapat sila nagpapadala sa mga manloloko sa online upang hindi mabudol. Sa mga gustong umiwas maging biktima, isa lamang ang dapat gawin: huwag magbigay ng pera sa kahit anong dahilan ng humihingi.