Inihayag ng provincial government ng Davao de Oro na pumalo na sa 37 ang naitalang patay sa nangyaring landslide sa bayan ng Maco sa nasabing probinsya noong nakaraang Martes.
Ayon kay Davao de Oro Communications and Public Information executive assistant Edward Macapili, ang landslide ay nakasalansan sa pagitan ng 50 hanggang 30 meters ng lupa sa “ground zero.”
Nakarekober ang mga rescuer ng isang nasawi matapos maghukay ng may 40 hanggang 20 meters at ayon pa sa kanya, nasa 77 katao ang naitalang nawawala pa rin.
Itinigil ang search and rescue operation bandang alas-5 ng hapon nitong Sabado at nagpapatuloy nitong Linggo.
Batay sa datos ng NDRRMC, nasa kabuuang 1,135 pamilya o 5,318 indibidwal mula sa apat na barangay sa Maco, Davao de Oro ang apektado sa nangyaring landslide at nasa 62 naman na mga kabahayan ang nawawasak.
Samanatala, iniulat ng NDRRMC na nasa stable na kondisyon na ngayon ang tatlong taong gulang na batang babae na nasagip noong Biyernes, matapos mabigyan ng atensyong medikal sa isang ospital.
Tinawag ng pamahalaang lokal ng panlalawigan ang kanyang pagliligtas na “isang himala.”
Sa ibang balita, nakikipag-ugnayan na si Department of Social Welfare and Development Special Assistant to the Secretary at concurrent director of the National Resource Logistics and Management Bureau Leo Quintilla sa representatives ng United States Agency for International Development, U.S. Navy, US Marine, Philippine Air Force at Office of Civil Defense nitong Linggo para matiyak ang maayos na paghahatid ng mga family food packs na dadalhin ng US C-130 plane sa Villamor Airbase sa Pasay City.
Ang mga FFP na karga ng US cargo plane ay dadalhin sa Davao Region para ipamahagi sa mga local government units na apektado ng low pressure area at shear line na tumama sa Davao Region noong huling bahagi ng Enero.
Pinagunahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang tuluy-tuloy na pamamahagi ng relief aid sa Mindanao bilang isa sa pinakamalaking disaster response efforts ng ahensya alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R Marcos na paigtingin ang pagbibigay ng tulong sa Davao Region sa pamamagitan ng whole-of-government approach.