Kalaboso ang bagsak ng dalawang lalaking nanghablot umano ng cellphone sa Buendia, Makati at inaresto rin ang dalawa pang babae na pinaniniwalaang kasabwat nilang nanuhol sa Barangay Palanan nitong Sabado
Ayon sa isang barangay tanod na kinilalang si Jovel Lozano, nagpapatrolya sila noon sa lugar nang mapansin ang away ng isang babae at lalaki na bumaba sa sinasakyang jeepney.
“Nagtaka po ako, akala ko magtatay. Nung katagalan parang sabi ko hindi ata tama, nagpakilala po ako. Sabi ‘kuya ito po is nanghablot ng cellphone ‘yung lalaking ‘to.’ Pinagilid ko na siya tapos tumawag ako ng responde,” sabi ni Lozano.
“Tinawagan nung nahuli ‘yung isa, bumalik ng Filmore, para lang ibalik ‘yung cellphone. Sinalubong ko agad, nahuli din ‘yung isa,” dagdag ni Lozano.
Agad dinala sa barangay ang dalawang lalaki na tinangkang makipag-areglo sa biktima at nanuhol din umano ng pera sa mga tauhan ng barangay.
“Pinipilit ‘yung complainant na magbibigay na lang sila ng halaga para mapakawalan sila. E sabi nung babae, ayaw niya. Ngayon pumasok na sila sa loob para mabigyan namin ng proper disposition, ini-insist pa rin nila ‘yung offer nilang pera na kapalit ng kalayaan nila, aareglo at may darating daw na tao,” ayon kay Ronnie Aseboque, deputy ex-o ng barangay.
Nakipag-ugnayan ang barangay sa pulisya para isagawa ang isang entrapment operation.
“Ayun nga dumating ‘yung dalawang babae. Tapos kinausap kami dun, kaharap ‘yung babae, nag-ooffer ng pera. Hindi ko in-expect ‘yung kapal ng pera na binibigay nila sa amin,” sabi ni Aseboque.
Nagpakilalang anak at asawa ng dalawang nahuling suspek ang mga dumating sa barangay na pinaniniwalaang mga kasabwat nila.
Sa pagtataya ng barangay, aabot sa P20,000 ang perang inaabot sa kanila ng mga suspek.
“Ang bilis nilang mag-produce ng pera na ganun halaga, may sumunod kaagad na isang cellphone lang. Sa tingin ko may mga financier ‘to,” dagdag ni Aseboque.
Kasama na inaresto ng mga pulis ang dalawang babae at may nakuha pang ilegal na droga umano sa bag ng isa sa mga ito.