Litaw na litaw na naman ang KenTell, ang portmanteau nina SB19 Ken Suson at Stell Ajero, kasi nga itong si young master Suson, rosas lang naman ang inalay kay young master Ajero sa isang live paandar nito.
Siempre pa, dahil sa rosas na iyan, nagkulay kalimbahan ang pisngi ng mga KenTell ship na may kasama pang sangrekwang kilig. Alam naman kasi nating lahat na ang rosas ang bulaklak na palagiang inaalay o binibigay sa minahal.
Marami rin ang tuwang-tuwa sa vlog ni Stellvester kung saan sinasabi nitong maaga niya itong isinalang kasi nga ayaw niyang maagawan ng eksena ang isang ganap ng kanyang best boy na si Felip Jhon. Di ba, iba rin ang pagiging maalakahanin at mapagbigay ng SB18 main choreographer sa kaniyang main dancer.
Dahil dito, mas lalo tuloy lumakas ang hiling ng mga KenTell fandom na mangyari na ang inaasahan nilang kanta na sina Suson at Ajero ang aawit. Ang wish ko lang eh isa itong awit na ipagdiriwang ang kanilang pagiging mabuti at matalik nilang magkaibigan. Kung hindi rhythm and blues ang genre, isang dance tune ang isa pa sa wish list.
O kaya ay revival ng isang sikat-sikat na pop anthem na tulad ng “Closer You And I” ni Gino Padilla.
Sa ngayon na bakasyon pa silang lahat, mapapanood ang mga vlog ng SB19 sa YouTube kung saan makikita ang special bonding at friendship nina John Pablo Nase, Josh Cullen Santos, Justin De Dios, na kasama siempre pa sina Ken at Stell.
Ang latest vlog ay nagpapakita ng mga pangyayari bago, habang at pagkatapos ng kanilang makasaysayang pagtatanghal sa Asian Artist Awards.
Habang tinitipa ang pitak na ito, higit pa sa 80K na ang mga nakapanood sa blog.
Ang lahat ng KenTell, at buong A’Tin ay sabik na sabik sa paglapag ng pinaka-bagong EP mula sa SB19 at siempre pa sa mga KenTell layag na palagiang palong-palo at pasabog.
**
Ang Bahaghari Komunidad ng Pilipinas, tuwang-tuwa at punong-puno ng pagmamalaki kasi nga, si Adrian Matthew Alabado, na mas pamoso sa kanyang drag queen persona Marina Summer, eh pangmalakasan ang paandar sa ikalawang season ng “Ru Paul’s Drag Race: UK versus The World.”
Super trending ang ngalan ni Queen Marina sa Ekis dahil nga talagang pangabog ang kanyang entrada sa nasabing drag competiton.
Sa kanyang pagpapakilala segment, napaka-husay at nakakatindig balahibo talaga na ginamit niya ang “What” anthem mula sa SB19 kung saan ipinapakita niyang iwinawagayway niya ang bandila ng Pilipinas at super proud siya sa kanyang pamanang Filipino.
Kabogera ang kanyang “Queen of Variety” performance kung saan “Amakobegara” ni Maymay Entrata ang kanyang awit na pinalitan ng mga letra at may fire dance segment pa ito.
Sa runway challenge, slayed na slayed ni Marina ang catwalk sa kanyang kasuotan na ang inspirasyon ay ang Banaue Rice Terraces at yung deskripsyon niya sa kanyang sinuot na damit, eh talagang ipinagmamalaki niya ang kulturang Pinoy.
Siya rin ang nanalo sa lipsynch battle royal at first winner sa international drag patimpalak.
Hangang-hanga ang iba pang drag queen contenstants sa ating diwata at alam nilang ito ang dapat nilang paghandaan na palagiang best in pasabog ay mga paandar.
Mahusay ka! Mabuhay ka Marina Summers! Ipagpatuloy ang pagmamaganda at pananampal ng talento sa drag queen patimpalak.