Bunyag na ang sikreto kung bakit dumadagsa ang mga kababayan nating katutubo sa Maynila tuwing buwan ng bre.
Sa mga di nakaaalam, kahirapan sa kabundukan ang pinaniniwalaang dahilan ng mga Ita at Badjao upang dumayo sa kabisera at manlimos sa mga motorista at mga pasahero ng pampublikong sasakyan. Sila ang mga kulot at maitim na mga babaeng may bitbit na sanggol, pumapanhik sa mga dyip at namamahagi ng sobre kung saan ilalagay ng mga naaawang manlalakbay ang baryang tulong. Sila rin ang mga nakamalong na mga batang babae at mga batang lalaki na sumasampa sa mga dyip at namamahagi rin ng sobreng lalagyanan ng limos.
Ngunit ayon sa Department of Social Welfare and Development na tumutulong sa mga manlilimos na Badjao at Ita, hanapbuhay ang kanilang gawain o motibo. Naeengganyo silang manirahan sa lansangan at manlimos sa daan dahil nakakakubra sila umano ng P1,000 hanggang P1,500 na limos kada araw, pagbubunyag ng DSWD.
Mukhang mas malaki pa ang kita nila kaysa sa amin, pabirong sabi ni Marilyn Moral, tagapagsalita ng Programang Pag-abot ng DSWD, ayon sa isang ulat sa dyaryo.
Ang Pag-abot ay tumulong sa mga katutubong namamalimos na makabalik sa kanilang probinsya. May 411 Ita ang nabigyan ng pamasahe para makauwi nitong nakalipas na kwarter ng 2023.
Sa kabuuan ng nasabing taon, 741 ang natulungan sa ilalim ng programang Balik-Probinsiya ng DSWD. Kabilang rito ang 35 na napauwi sa Luzon, 33 sa Metro Manila, 24 sa Bicol, 23 sa Silangang Visayas, 17 sa Timog Tagalog, 15 sa Gitnang Visayas, 15 sa Kanlurang Visayas at 13 sa Davao.
Layunin ng Balik-Probinsiya na mailipat ang mga pamilyang walang tirahan sa Maynila sa kanilang probinsiya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pamasahe.
Maganda naman ang ganitong tulong ngunit hindi naman kaya namimihasa na ang ating mga katutubo? Kung libre naman silang makakauwi, lalong maglalakas-loob silang dumayo sa Maynila upang manlimos dahil menos na ang pamasahe pabalik sa kanilang lugar.
Ipinagbabawal ng DSWD ang pagbibigay ng limos sa mga manlilimos. Ngunit tila limos din ang tulong na abonohan ng DSWD ang pamasahe nila pauwi.
Subalit walang magagawa kundi mapauwi sila imbes na manatili sa Maynila at magmukha silang pinababayaan ng gobyerno.
Mukhang may gulangan dito.