Nagtapos ang isang pambibihag sa isang tren sa Switzerland noong Huwebes ng gabi nang mapatay ng pulis ang salarin at nailigtas ang mga bihag niya, pahayag ng mga awtoridad.
Ang nang-hostage ay armado ng palakol at kutsilyo, at nagsasalita ng Farsi at Ingles, pahayag ng tagapagsalita ng pulisya ng Vaud canton na si Jean-Christophe Sauterel sa mga mamamahayag.
“Sa yugtong ito ng pagsisiyasat, hindi alam ang motibo ng salarin,” aniya.
Ang pagkakakilanlan ng nambihag ay hindi rin sinabi habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Binaril ng pulis ang lalaki nang sumugod siya hawak ang palakol.
May 15 bihag ang nailigtas — 14 na pasahero at ang konduktor. Tumagal ng halos apat na oras, mula 6:35 ng gabi hanggang 10:30 ng gabi, ang krisis.
Pinilit ng nambihag ang konduktor ng tren na huminto malapit sa Yverdon at sumama sa mga pasahero. Ito ang umalerto sa mga pulis sa sitwasyon.
Ang pakikipag-usap sa suspect ay ginawa sa WhatsApp at sa tulong ng isang interpreter ng Farsi, ang nangingibabaw na wika sa Iran.
Sa huli ay nagpasya ang mga pulis na salakayin ang tren at nagsagawa ng isang maniobra upang ilayo ang lalaki sa mga bihag, ayon kay Sauterel.