Inihayag ng isang opisyal ng Department of Energy na may aasahang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga motorista sa susunod na linggo matapos ang ilang linggong sunod-sunod na taas-presyo.
Batay sa pagtaya sa resulta ng oil trading sa world market sa nakalipas na apat na araw, sinabi ni DoE-Oil Industry Management Bureau assistant director Rodela Romero, na posibleng magkaroon ng tapyas sa presyo ng gasolina na aabot sa P1.00 hanggang P1.20 bawat litro.
Nasa P0.40 to P0.60 per liter naman ang posibleng rollback sa presyo ng diesel, at P0.45 to P0.65 per liter sa kerosene.
Ayon kay Romero, maaari pang magbago ang nabanggit na mga halaga depende sa kalalabasan ng oil trading sa Biyernes.
“Reasons for rollback are the build up of US crude inventories and the increase of US oil production and the slowing oil demand growth,” paliwanag ng opisyal.
Ipinaliwanag din ng opisyal na hindi pa rin panatag ang presyohan ng mga produktong petrolyo dahil sa mga nagaganap na kaguluhan sa ibang bahagi ng mundo gaya ng digmaan ng Israel at Hamas, ang pagbabawas sa produksyon ng Organization of Petroleum Exporting Countries members, at mataas na oil demand ng India.
Sa unang mahigit isang buwan ng 2024, umabot na sa P5.15 per liter ang iminahal ng presyo ng gasolina; P4.40 per liter sa diesel; at P0.85 per liter naman sa kerosene.