Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Biyernes na labag umano sa Saligang Batas ang paghiwalay ng Mindanao sa Pilipinas, at hindi magtatagumpay ang panawagan para rito.
Sa isang talumpati, sinabi ng Pangulo na ang panawagan na ihiwalay ang Mindanao, “is doomed to fail, for it is anchored on false premise not to mention a sheer constitutional travesty.”
“I strongly appeal to all concerned to stop this call for a separate Mindanao. This is a grave violation of the constitution,” sabi ng Pangulo.
Kung matatandaan, kay dating Pangulong Rodrigo Duterte umano nanggaling ang usapin na ihiwalay ang Mindanao sa harap ng kaniyang pagtutol sa Charter change sa paraang ng peoples’ initiative.
Sa talumpati naman ni Marcos sa 17th meeting of the national government-Bangsamoro government Intergovernmental Relations Body sa Pasay City, sinabi niya na ang malakas na Mindanao ay mangangahulugan ng malakas na Pilipinas.
”A stronger BARMM means a stronger Mindanao. A stronger Mindanao means a stronger Philippines bringing us closer to achieving our agendas,” sabi ni Marcos.
Inihayag din ng pangulo na hindi magiging kumpleto ang Bagong Pilipinas kung hindi magiging maunlad ang Bangsamoro region.
Ang IGRB ay isa sa intergovernmental relations mechanisms ng pamahalaan at Bangsamoro governments na binuo sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law.
Nauna nang nagpahayag si BARMM Chief Ahod Ebrahim ng suporta sa administrasyon ni Marcos, at pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro na naging daan sa paglikha ng BARMM, na ipinalit sa ARMM.