Umakyat na sa 20 ang naitatalang nasawi sa nagpapatuloy na masamang lagay ng panahon na nararanasan sa ilang bahagi ng lalawigan ng Mindanao.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, ang naturang bilang ng mga nasawi ay patuloy pa ring isinasailalim sa kaukulang validation upang alamin kung ano-ano ang partikular na dahilan ng pagkamatay ng mga ito.
Bukod dito, mayroon ding 11 katao ang sugatan habang dalawa naman ang patuloy pa ring pinaghahahanap ng mga otoridad sa naturang rehiyon ayon pa sa NDRRMC.
Sa ngayon pumalo na rin sa kabuuang 1,195,672 katao o katumbas ng 359,133 na mga pamilya ang apektado ng masamang panahon sa 788 na mga barangay sa Northern Mindanao, Davao Region, SOCCKSARGEN, Caraga, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Mula sa naturang bilang 13,241 pamilya o 49,004 katao ang kasalukuyang nanunuluyan ngayon sa mga evacuation centers, habang nasa 99,611 pamilya o 303,060 indibidwal naman ang mas piniling manirahan muna sa kanilang mga kaanak at kakilala.
Samantala, sa ngayon ay nasa 280 na mga lugar pa rin sa nabanggit na mga rehiyon ang nananatiling lubog sa baha at nakapagtala rin ng pagguho ng lupa.
Habang 15 siyudad at munisipalidad na rin sa CARAGA ang kasalukuyan nang isinailalim sa state of calamity.