Iniulat ng mga lokal na opisyal sa bayan ng Maco sa Davao de Oro na isang batang babae ang nasagip mula sa nangyaring landslide sa lugar nitong nakaraan at ang bata ay halos dalawang araw na-trap sa guho bago himalang nakaligtas.
Ayon kay Maco information officer Jiesyl Mae Tan, “stable” na ang kalagayan ng bata matapos suriin ng mga doktor.
“A miraculous little girl survived the landslide that hit Zone 1, Barangay Masara, Maco. This girl was rescued this morning during an ongoing search, rescue, and retrieval operation by our responders,” saad ng provincial government sa isang pahayag.
“So far, this child’s condition is confirmed to be stable after receiving proper medical attention by doctors and nurses at the hospital,” dagdag nito.
Pumalo naman sa 15 ang death toll sa nangyaring pagguho at halos 110 pa ang naiulat na nawawala.
Sinabi ni Office of Civil Defense spokesperson Edgar Posadas na beneripika muna nila ang mga pangalan ng mga naitalang nawawala bago nila ito opisyal na isinama sa bilang at patuloy pa rin ang ginagawang search and rescue operations.
“Ang ginagawa po natin, hindi ko lamang po alam iyong detalye ng shifting because I am not on the ground, pero nilimitahan po natin for the safety of everyone pati po noong mga rescuers natin,” saad ni Posadas sa isang panayam.
“We are expecting some rains again throughout the weekend sa Davao Region,” dagdag niya.
Kung matatandaan, Martes ng gabi nang mangyari ang landslide na tumabon sa mga kabahayan at dalawang bus na pinaniniwalaang mahigit 24 katao ang sakay.
Nakararanas ng mga pag-ulan sa Davao region nilang mga nakalipas na linggo na nagpalambot sa lupa sa mga kabundukan.
Inihayag naman ni Colonel Rosa Ma Cristina Rosete-Manuel, spokesperson ng Eastern Mindanao Command na kabilang sa mga tumutulong rescue operations, umaasa ang mga rescuer na may makikita pa silang mga survivor.