Dumipensa si Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez kaugnay sa panibagong isinusulong na paghihiwalay sa Mindanao mula sa Pilipinas matapos tutulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at tinawag ang naturang hakbang na unconstitutional.
Ayon sa dating House Speaker, isang mapayapa at maayos na advocacy campaign ang kanilang itinutulak para sa kasarinland ng Mindanao taliwas sa claims ng ilan na rebelyon o seditious o paglaban sa pamahalaan ang kanilang ginagawa kundi idadaan nila ito sa legal na proseso.
Dagdag pa niya, ang naturang hakbang ay isang lehitimo at lawful exercise ng kanilang constitutional rights sa freedom of expression, assembly at organization.
Kung matatandaan, pinalutang ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang ideya ng paghihiwalay sa Mindanao mula sa Republika ng Pilipinas sa pamamagitan ng peoples’ initiative na papangunahan ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez sa naging isang press conference sa Davao city noong Enero 30, 2024.
Ito ay dahil sa kawalan ng development sa Mindanao kahit na ilang taon na ang nakalipas na nagtulak sa dating pangulo para buhayin ang panawagang ihiwalay ang isla mula sa Pilipinas.
Subalit nagpahayag ng pagtutol si Marcos sa panawagan na ihiwalay ang Mindanao at hinimok ang mga proponents o nagsusulong na itigil ito.