Limang armadong ahente ng isang ahensyang pangkalikasan ang napatay nang umano’y makipagbarilan sila sa mga pulis malapit sa kabisera ng Haiti noong Miyerkules, habang nagpoprotesta ang mga mamamayan at nananawagan para sa pagpapatalsik kay Punong Ministro Ariel Henry.
Sinabi ng source ng pulis sa Agence France-Presse na binaril ang limang ahente ng National Agency for Protected Areas, isang armadong kawanihan ng gobyerno na nag-alsa laban sa gobyerno, matapos tumanggi silang ibaba ang kanilang mga armas at magpaputok sa direksyon ng pulisya.
Tatlo pang miyembro ng ahensya ang inaresto, sabi ng source.
Nangyari ang pamamaril habang ang libu-libong nagprotesta sa Port-au-Prince at sa buong bansa ay humihiling na magbitiw na si Henry alinsunod sa isang pampulitikang kasunduan na nabuo noong 2022.
Ayon sa kasunduan na binuo kasunod ng pagpaslang kay Pangulong Jovenel Moise noong nakaraang taon, si Henry ay dapat na magdaos ng halalan kahapon at pagkatapos ay ibigay ang kapangyarihan sa mga bagong halal na opisyal.
Ngunit si Henry ay nanatili sa kapangyarihan at ayon sa kanyang aide ay bubuo na lamang siya ng isang pamahalaan ng pambansang pagkakaisa.
Isang nagpoprotesta, na 40 anyos at walang trabaho at tumangging ibigay ang kanyang pangalan, ang nagsabi na si Henry ay “hindi nagbigay ng anumang mga solusyon sa aming mga problema.”
“Hini-hostage ang bansa ng mga gang. Hindi tayo makakain. Hindi natin mapaaral ang mga anak natin. Hindi na namin kaya,” pahayag niya.
Ang mga protesta ay tinawag ng ilang partido ng oposisyon at sinamahan ng mga empleyado ng ahensyang pangkalikasan.