Isang lalaki ang naiulat na nasawi matapos umanong malunod sa Pasig River nitong nakaraang araw.
Ayon sa Philippine Coast Guard, dakong 2 pm nang rumesponde ang mga tauhan nito sa Sandoval bridge sa Barangay Maybunga sa Pasig para hanapin ang biktimang kinilalang si Japeth Javier.
Isang oras ang nakalipas nang matagpuan nila ang katawan ng biktima at ayon sa mga kaibigan nito, ala una ng hapon nang magpunta silang magkakaibigan sa may ilog para tumambay at nagkayayaan daw silang maligo.
“Hanggang dito lang po un. Tapos? Lumalayo kami konti tapos naghaharutan kami pagtulak niya po sa akin parehas na po kaming nalunod. Dumulas po ako sa burak tapos pumipiglas wala na po ako matapakan. Ung kasama mo ano nangyari? Nalulunod na rin po,” kuwento ng isang kasama ng biktima.
Sinabi naman ng mga opisyal ng barangay na ilang beses na silang nakasita ng mga kabataan na tumatambay at naliligo sa ilog.