Tila tama ang sinasabing may crab mentality ang mga Pilipino batay sa nangyaring pagdinig ng Senado sa kaso ng mga Pinoy na nabudol ng sarili nilang kababayan sa ibang bansa.
Dumulog sa Senado ang mga biktima ng pamemeke ng papeles na binayaran nila upang makapagtrabaho sa Italya kaya hindi sila nabigyan ng visa. Nagreklamo sila dahil hindi na rin nila makuha ang pera sa mga nagproseso nito dahil nagtago na. Patunay ito na Pilipino ang sumisira sa kapwa Pilipino.
Isip talangka ang mga taong pumipigil sa kapwa nila na umunlad ang buhay. Inihalintulad ito sa kilos ng mga talangka na sipitin ang mga paa ng ibang talangkang umaakyat o angat sa kanila upang hilahin pababa at sila naman ang umakyat.
Sa mga humikayat sa mga nasabing biktima na magbayad ng libu-libong euro upang makakuha ng visa sa pagtatrabaho sa Italya ngunit mga manloloko pala at gusto lang kumita, sarili lang nila ang iniisip at bahala na ang mga nabiktima.
Hindi pa man nakakatuntong ng Italya ang mga biktima ay nabudol na sila.
Ang masama pa nito, kinasuhan sila ng paninirang-puri ng isang opisyal ng pamahalaan na umano’y inakusahan nilang hindi tumulong sa kanila. Hindi ngayon sila makapagtrabaho sa ibang bansa dahil sa kaso. Bawal ang mga may kaso na makaalis ng bansa. Haharangin sila sa paliparan ng mga ahente ng imigrasyon.
Makikita lang rito ang matinding hamon na kinakaharap ng mga nais magtrabaho sa ibang bansa. Mismong mga kapwa nila Pilipino ang nagpapahirap sa kanila.
Sa mga OFW naman na nasa ibang bansa na at nagtatrabaho, mag-ingat rin sila sa mga banyaga at kababayan na mapagsamantala. Hindi porke kababayan ay dapat nang pagkatiwalaan. Patunay rito nga ang nangyari sa mga biktima ng pamemeke ng dokumento.
Laging alalahanin na masarap man ang lutong talangka, naglipana ang mga may isip talangka na maaaring magpapahamak sa kanila.