Iniulat ng lokal na pamahalaan ng Angeles City sa Pampanga na lampas 60 katao na mga bata at matanda ang naospital dahil sa pagsusuka at pananakit ng tiyan dulot umano ng gastroenteritis o stomach flu.
Ayon kay Angeles City Mayor Carmelo Lazatin Jr., nagkaroon umano ng biglaang pagtaas ng kaso ng gastroenteritis o stomach flu nitong nakaraang pitong araw sa lungsod at nakaranas din ang mga pasyente ng pagtatae at panghihina.
Marami ring sumasakit umano ang tiyan ngunit hindi nagpapa-admit o pumupunta sa ospital.
Ilan sa mga pinakapangunahing sintomas ng gastroenteritis ay ang pagdurumi at pagsusuka na kapag hindi naagapan ay maaaring humantong sa pagkamatay.
“Dehydration po ang nakamamatay diyan so kung dehydrated po ang isang tao, may electrolytes na nawawala through pagsusuka at pagtatae,” sabi ni Angeles City Health Officer Dra. Verona Guevarra.
Ayon kay Guevarra, wala namang maituturing na nasa kritikal na kondisyon.